Noong ako ay nasa loob ng isang dyip na may rutang Ikot, bumaba ang isang tinedyer na mag-kai-bi-gan o mag-ka-i-bi-gan sa may Hardin ng Bougainvillea. Pagkatapos, nahulog ang isang puting panyo na may ilang disenyo at bughaw na mga gilid. At nangyari na ang isang di-inaasahang bagay. Nagpaalam ako sa drayber na ako'y hintayin (CS Library kasi ang aking paroroonan): "Sandali lang ha." o parang ganoon ang aking sinabi. Dagli akong bumaba at lumapit sa magkasama at sinabing: "Panyo! Panyo!" Tinanggap ito ng dalaga at kung gaano ako kabilis lumapit ay ganoon din ako kabilis lumayo. Pagbalik ko sa dyip, parang hindi naman nagmamadali ang drayber. Katunayan, naghihintay pa nga siya ng karagdagang pasahero. (Medyo maluwag pa kasi.) Walang sumakay na bago at kami ay nagpatuloy sa aming biyahe.
Ngayon, iniisip ko kung bakit hindi man lamang nagpasalamat ang binalikan ko kanina. Siguro ay mukhang nagmamadali ako, di sila marunong tumanaw ng utang ng loob o nagpasalamat sila pero hindi ko lang ito narinig.
Maaaring isipin ng ilan na hindi naman malaking bagay ang pagsasauli ng panyo. Baka nga. Ngunit para sa akin, may kabuluhan ito, kahit na papaano.
Wednesday, June 07, 2006
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment