Friday, December 15, 2006

koPas

Tumigil ang klase
Para sa isang kaganapan
Ang kapanganakan ng isang tao
Diyos para sa mga binyagan
Manloloko para sa iba
Maraming kabutihan
ang nagawa para sa kanya
Maraming kasamaan
ang nagawa sa ngalan niya
Hindi man ako naniniwala
sa kanya
Iginagalang ko ang paniniwala
ng iba sa kanya
Ang masasabi ko lang:
parehong ang mga
naniniwala at di-naniniwala
sa kanya ang naiiistres
Sa pagbili ng mga regalo
Sa pagpapanggap na sila
ay mabubuting mga tao
Sumisigla ang ekonomiya
Ang mayayaman at mauutak
ang nagkakamal ng kita
Busabos ang masa
Sadlak sa putik at basura
Alam kong hindi mo ako
mahal bilang kapantay
Mahal mo ako bilang alipin
Wala kang awa sa
aking katawang
tadtad na ng mga pasa
puro bakat na ng hirap
Sinunog mo na ang aking balat
Pagkatapos ay binabad mo pa ako
sa tubig-yelo
Kung sana ay may gaganti lang
para sa akin
Kung sana ay mayroon
lamang kahit isang titigil
lilingon upang kumalinga
Hindi lang paghanga
ang aking iaalay
kundi pati ang aking sarili
Handa akong sumugal
ng buhay para sa iyo
Papatay ako hanggang
wala ng gagambala
sa 'yo
Hilo man ako
ay nasa tama pa ring pag-iisip
Hindi ako papagitna
Kakampihan kita
sa bawat laban mo
Tayo ay magkatuwang
sa pag-usig at pagpaslang
Masama, masama na
ang tingin nila sa 'kin
Ngunit para sa aki'y
busilak pa rin 'to
Mahal ko ang aking bayan
at mananatili ito
Habambuhay

Ang taludtod sa itaas ay iniaalay ko sa mga koPas, mga mag-aaral na daralita at makabayan. Sila ay hindi lang nababagot sa Pasko kundi nagsasawa na rin sa kasalukuyang kalagayan ng lipunang Pilipino. Alam ko na alam niyong kailangang-kailangan natin ang isang malaking pagbabago na siyang gigimbal at sana'y tuluyang magpabagsak sa mga mapangdustang mga institusyon. Sa mga tulad ninyo ako kukumukuha ng lakas para harapin ang bagong umaga. Nawa'y magkaamuyan tayo ng intektwal na pag-iisip sakaling magtapat ang ating mga landas. Salamat sa inyong panahon sa pagbabasa ng aking gawa at sana nagustuhan ninyo ito. Sana ay napukaw ko ang inyong makabansang mga puso at kumilos kayo upang sa gayon ay hindi kailanman mamatay ang kabigha-bighaning mga sindi ng inyong mga kandila.

No comments: