Friday, September 22, 2006

Desisyon

Isa. Isang maling desisyon. Isang maling desisyon lamang at ang lahat ay maaaring kalabanin ka. Maaaring matisod, masugatan at madulas sa walang katapusang ispayral na pababa. Masama ang loob sa loob ng mahabang panahon. Parang hindi na ito bago sa iyo. Wala kang maintindihan sa iyong nakapalibot. Bakit kaya sila ganito, bakit sila ganoon? Ano ba ang pagkakaiba mo sa kanila. Bukod ba silang pinagpala habang ikaw ay isinumpa, ikinasusuklam ng halos lahat? Walang nakakaintindi. Ang gaspang nila. Hindi ba ikaw nadarama? Kuntento ka na ba sa sarili mong mundo? Nag-iisa. Kunwari'y masaya sa piling ng maraming tao, sa katotohana'y blanko. Nagpapakita ng makinis at pinong pag-uugali, ngunit ang natural nama'y ang kabaligtaran. Unti-unti ng nagagasgas ang iyong kaanyuang ang lalim ay hanggang balat lamang. Galit ka sa mundo, ayaw mo lang aminin. Hindi mo lang alam ay higit pa ang galit nito pabalik sa iyo. Tao. Ang rupuk-rupok mo. Kaunting pihit lang ay lumalabas na ang iyong depekto. Ang sabi mo ginawa ka ng isang nilalang na perpekto, walang bahid ng malisya. Paano mo ipaliliwanag ang sari-saring karahasang nasa iyong paligid? 'Teka, huwag ka munang magsalita. Alam ko na ang sasabihin mo. Na ganito, ganyan. Tumigil ka na, tumigil ka na sa iyong kabaliwan. Hindi magbabago ang anuman, lalung-lalo na kapag iyong iniaasa ang katuparan ng mga bagay-bagay sa isang walang buhay. Kung sakaling mamimili ka, piliin mo yaong may katuturan. Paganahin at gamitin ang iyong kaisipan. Kuntento ka na ba sa pamumuhay na mababa kaysa iyong tunay na ninanais? Sana hindi. Kung gusto mong umunlad, kung ang kagustuhang ito ay busilak, ba't hindi mo isaasa ang lahat sa iyong sarili. Huwag mong maliitin ang sarili. At sa huli, sa ilalim ng tamang pag-iisip at pangangatwiran, hindi ka lamang makagagawa ng isang tamang pasya, kung hindi marami.

No comments: